Naalala ko noong mga early 1990′s sobrang usong-uso ang cross-stitching. Babae o lalaki, bakla o tomboy, bata o matanda, ay nalulong yata sa hobby na ‘to. Artista, politiko, modelo, o pangkaraniwan na tao halos lahat naki-uso.
Ang mga sisterettes ko at yung isa kong kuya ko ay kumita noon ng husto sa cross-stitching. Ay grabe, lalo na yung magkakambal kong ate, bonggang-bongga ang kinita sa mga orders. Ilang taon din pumatok ang tindahan ng sister kong si Millette sa pagbebenta lang ng mga DMC thread, basket weave na tela, mga pattern ng design, accessories at kahit yung bayaw ko ay napilitan din matuto ng framing dahil sa sobrang demand ng hobby na ‘to. Tumiba din ang photocopy machine namin.
Siempre, nakiuso din si Mamaru noon. Ako feh!
Preggy ako noon kay Keziah at habang naghihintay ako ng schedule ng panganganak ko, cross-stitching ang pinagkaabalahan ko. Sa sobrang uso ng cross-stitching, pucha, nag-alala ako! Kasi ceasarian ang kailangan sa akin para sa panganganak ko, worried ako at baka cross-stitched din ang style na gawin ng OB-Gyne ko sa pagtatahi! Nahilig din kasi noon si Doktora sa cross-stitching, at baka kako ma- carried away sya sa pagtahi ng puson ko. Nyay!
Ulo ng tigre ang unang project ko.
Eto yun. Ka-age ni Ziah ‘to, kaya 12 years na rin nakasabit ang ulo na ‘to sa dingding namin.
HEAD of a TIGER
Eto naman yung pangalawang ginawa ko.
MADONNA and CHILD
Ang bilis ko natapos ‘to kasi iisang kulay lang ng DMC thread ang kailangan. Sisiw! Naks! Yung ibang na-cross stitch ko eh pawang maliliit na. Matinding parusa din kasi sa mata ang hilig na ‘to.
PEGASUS
Hindi ko gawa ‘to. Gawa ‘to ng late sister kong si Lyza. Aktwali, balak nya noon na gawin entry ‘to sa isang contest pero hindi natuloy. Kung titingnan, simple lang sya, pero wag ka! Matindi ang pagkagawa neto dahil kung uumpisahan mo ‘to baka dalawang araw pa lang ay mahilo ka na. Kung susuriin mabuti gamit ang magnifying glass, sa isang pagtahi, 4-5 na iba’t ibang shades of one color ang thread na kelangan kaya sobrang hirap ang inabot nya dito. Nakakaduling pa.
Balak nyang ibenta ‘to noon. Kaso witness ako sa hirap nya bago natapos at nakapang hihinayang na mapupunta lang sa iba kaya binili ko na sa kanya. May kahalong LOVE kasi ang pagkagawa neto. I bought this for P1,500.00 only.
Since 3 years ng namayapa si dear sister ko, isang ALAALA ko na rin ‘to galing sa kanya.





