Nami-miss ko ang mga bagets ko nung mga beybi pa lang sila. Nami-miss ko kung paano ko sila i-wrestling para pupugin ng halik at kiliti noon. Ngayon kasi parang awkward na kung gagawin ko pa sa kanila, eh mas malalaki pa kaya sila sa akin.
Pero mas ayus pala na malalaki na sila, ngayon na mga teenagers na sila. Para kaming hindi mag-iina. (Para kaming mag-lola. Lol.)
18 years old na si Kevin at 13 naman si Keziah. And if you do the math, yes that makes me 36 years old now. Bwahahaha!
Constant companion ko ang unica hija ko. Halos lahat din ng lakad ni Keziah, gusto nya na ako ang kasama nya. Da-barkads kami kumbaga. Ibang-iba rin talaga ang anak na babae dahil pag nasa Mall kami, kahit ilang oras kami paikot-ikot halimbawa sa ladies shoes section o kaya sa kikay section – never ko mariringgan ng reklamo na kesyo pagod na o gutom.
Magkasundo na magkasundo rin kami kahit siomai, sago at gulaman lang ang kakainin sa lunch namin. Walang arte-arte.
Enjoy ako sa mga teenagers ko. Nang dahil sa mga bagets ko ay kahit papano ay updated ako ng mga latest pop music craze. Sila ang dahilan kung bakit mas gusto ko si David Archuleta kesa kay David Cook. Sila ang dahilan kung bakit alam ko ang number 1 song sa US Top 40 ngayon.
Wala akong magagawa, pwersado rin talaga ako magustuhan ang mga latest pop songs dahil sa mga MP3 players namin, iPod at kahit sa iTunes sa computer…puro mga choices ng mga bagets ko ang mga naka karga dun.
Sila ang dahilan kung bakit naging labs ko si Avril Lavigne, si Miley Cyrus, si Rihanna, si Taylor Swift at si Beyonce. Sila ang nagtulak sa akin para maging peborit ko ngayon ang Kelly Clarkson’s My Life Would Suck Without You. O di ba, jeproks na jeproks ang dating ni Mamaru. Lol!
At pag naririnig na ang Jai-Ho ng Pussycat Dolls, sabay-sabay kaming iindak ng mga bagets ko na parang mga timang. Sasabayan pa ng birit ng…
“(Dyay Hoo) Yu ar da rison dat ay breeet,
(Dyay Hoo) Yu ar da rison dat ay steel belib,
(Dyay Hooo) Yu ar may destineeee,
Dyay hoo! Oh! Oh-oh-oh-oh!
Dyay Hoooooo!”
Siempre istir ko lang ‘to at dinadahilan ko lang ang mga bagets ko. Ang totoo nyan ay bagets na bagets pa rin naman talaga ang puso ko. Weeeee!





