Pagbabago

Pag nagkakaroon ako ng problema…iniiwasan ko yung tipong dinidibdib ko. Kasi sa totoo lang, hindi ako sanay mag worry.

Tuloy, may mga pagkakataon na lumalabas na parang wala akong pakialam sa mga nangyayari  kasi pinipilit ko na maging cool at petiks lang ang attitude ko sa pagharap ng problema.  Hindi sa insensitive ako, alam ko kasi na ako ang olats pag nag wori pa ako.

Hindi sa tinatakbuhan ko ang problema. Oo, may kahinaan din ako pero ayaw ko lang ipakita sa tao ang sobrang pag-aalala ko. Mahirap magkunwari that everything is just okay, that I am perfectly fine.

Kadalasan, idinadaan ko sa pagtulog ang mga worries ko sa buhay. Siempre kasama dun ang  dasal na sana pag gising ko ay mag-iba na ang araw ko, na sana maging OK na ang lahat. Naniniwala kasi akong na hindi pare-pareho ang panahon. Pag hindi kagandahan ang araw ko, laging sambit ko sa sarili ko…“this too shall pass”.

Naging epektib yun sa akin noon at madalas pa nga ay may kasama pang solusyon sa pag gising ko.

Pero iba ang mga pangyayari sa akin ngayon at sa mga nakalipas na araw. Long-playing ang mga pag-aalala ko. Parang walang katapusan at walang kalutasan. Nawiwindang na ako.

Naging hataw nga  ang pagiging happy ko sa mga nakaraan na linggo pero naging malungkot din naman ng todo-todo ang mga sumunod. Nagiging mailap na sa akin ngayon ang mahimbing na tulog.

Pinilit ko na pakalmahin ang nararamdaman ko. Pinilit ko sumigla ang katawan ko kasi parang nanghihina na rin ako.Pinilit ko maging normal ang araw ko. Pinilit ko aliwin ang sarili sa paraan na alam ko. May ginawa akong pampagaan ng loob ko. Kaso, pukingina! Mas lalo lang lumalala ang sitwasyon!

Hindi ko alam kung sinusubukan lang ako ng mga pagkakataon o baka inaasar lang ako ng kapalaran. Walang nangyayari sa araw-araw na pag-aabang ko ng himala mula pagdilat ng mata ko sa umaga hanggang sa pagpikit sa gabi. Walang pagbabago.

Malamang hindi na epektib o ayaw na gumana ng himala sa buhay ko.

Sa ngayon, tuwing gumigising ako sa umaga, ang gusto ko gumabi na agad. Pagsapit naman ng gabi, gusto ko matulog na agad para ng sa ganun ay umaga na naman ulit. Ngayon ko lang minadali ang mga araw ko. Siguro dahil sa gusto ko makakita na agad ng pagbabago.

Hindi ako eksayted sa nalalapit na pag alis ng year 2009 o pagpasok ng 2010. Wala akong pakialam sa New Year na yan! Wala akong dapat na ipagdiwang sa bagong taon. Ang gusto ko lang ay makakita ng pagbabago sa araw ko.

Oo, emo at senti ako ngayon. Sa mga hindi sanay sa akin ng ganito, pasensya na. Tao lang.