Teleserye Ng Totoong Buhay

Ops! Hindi po ang Pinoy Big Brother Unlimited ang tinutukoy ko. Sa totoo lang. PANIS na para sa akin ang current season ng PBB. Ni hindi ko makuhang tapusin panoorin ang buong palabas ng PBB sa isang gabi. Ang mga housemates kasi ngayon, ewan ko ba, kelangan tabihan ng atchara kasi parang mga nakakaumay ang mga fez. Napaka-WALEY ng dating sa akin.

Heniweys, trulili na magulo pa sa bolbol ang awayan ng mag-anak at sa misteryosong pagpatay kay Ramgen Revilla, eto ang sinusubaybayan ko ngayon!

Pucha! Okinams talaga! Kinakabog ang kwento ng mga teleserye ng Primetime Bida ng ABS CBN! Napaka-interesante ng kaso na ‘to! Mga pangyayari na kasi sa tunay na buhay itetch. Kahit walang sandamakmak na kamera na parang sa PBB ang nakatutok sa mga sangkot. Pero todo na ‘to! Patayan sa magka-pamilya ang plot!

Sa mga napanood ko, kalurkey ang pagiging mananahi ni Ramona Revilla. Kung ano-anong wento ang pinagtahi-tahi nya bago sumibat papuntang Turkey.

Akala ko noon, pumunta lang siya ng HongKong para bumili ng suklay para sa buhok nya at babalik din ng Pinas. (Kalokah kasi ang buhaghag na tsura ng buhok nya  dun sa presinto. Lol!) Yun pala eh baboosh na pala talaga. Haha!

Bago lumayas, may video message pang iniwan na para syang nasa confession room ni Big Brother. Buti na lang hindi nag artista ‘tong si Ramona. Waley kasi ang facial expression nya dun sa video. Sa delivery naman at pag memorize dun sa lines nya parang scripted eh nagkawala-wala pa sya sa sasabihin. At yung akting niya? Nyek! Flop!

Nakakagulat at parang nakakapanindig balahibo kung paniniwalaan agad natin na ang magkapatid na RJ at Ramona Revilla ang magka-kuntsaba sa pagpatay sa sarili nilang kapatid. Parang nakakaduwal isipin na nakayanan nilang gawin ang ganun sa sarili nilang kapatid.

Pero as of this date…dahil sa walang-kupas na GALING ng mga pulis-Paranaque, eh sa awa ni Lord, wala pa rin naman napapatunayan ang mga imbestigasyon.

Hindi ko sinasabing guilty si Ramona. Puro mga chuva-chuchu eklavo pa lang ang mga lumalabas na mga istorya. Sabi ni ganito diumano, sabi ni ganun diumano…mga ganun pa lang ang mga lumalabas sa balita.

Ewan ko lang ha, pero hindi ako naniniwala na ang magkapatid ang mastermind. Posibleng may frame-up din, di ba? Ewan ko ba, IBA ang kutob ko dito. Malalim ang awayan na itetch! May malaking tao sa likod nito. Howel, wag nyo na lang pansinin ang sinabi kong ‘to. Kutob ko lang naman ‘to at mas madalas, MALI ang kutob ko. Haha! Lech! Ang gulo ko!

Ang awayan at samaan ng loob ni Bong Revilla at ng nanay ni Ramgen Revilla na si Genelyn Magsaysay…dito tayo dapat tumutok at mas pag-isipan. Ang away ni Bong Revilla at Genelyn Magsaysay, eto ang dapat na busisiin ng malaliman sa imbestigasyon.

Sabi ko nga…malalim ang dahilan neto. Sa tingin ko ay hindi lang basta-basta na dahil lang sa pera ang pinag uugatan ang pagpatay kay Ramgen. Hindi lang dapat sa magkapatid na RJ at Ramona Revilla at nanay nila ang pagsuspetsahan. Tingin ko, may pinagtatakpan pero sigurado marami pang ka-shitan ang lalabas na wento sa mga susunod na araw.

Kaya, tara! Ihanda ang popcorn at ilabas ang isang litrong iced tea. Sabay-sabay tayo mag-abangeeers sa bagong teleserye ng bayan!

oOo

“Kung magbubulag-bulagan ka lamang naman pala sa mga bagay na nakikita mo, bakit hindi ka na lang naging bulag?”

Buntot Mo, Hila Mo

Usap-usapan ngayon sa mundo namin sa showbisniz (lols!) ang maaga at madaliang pagpapakasal sa May 28 ng 18-year old Inah Revilla, daughter ni Senator Bong Revilla at Lani Mercado.

Howel, eh kasi buntis nga daw. Hehe! Chismax galore to-its! Medyo nakakagulat kasi the last time i saw Inah Revilla sa tv ay yung footage ng debut nya. Tapos biglang bubulaga na lang ulit na magpapakasal na – at buntis. Panis na ang mga ganitong klaseng balita. Pero napapailing pa rin ako ng ulo kasi dumadami na talaga ang kaso ng teen pregnancy.

Siempre, usap-usapan ‘to ngayon kasi mantakin mo nga naman…kung nagkataon din naging babae si Jolo Revilla noon, malamang at the age of 15 or 16 baka nabuntis din yun. Kaso lalaki sya kaya nambuntis na lang siya ng kapwa-bagets na anak ni Rosanna Roces.

Wala ako sa posisyon o kalayaan para manghusga. Hindi ako nakaramdam ng simpatiya dun sa nabuntis o sa ikakasal na si Inah. Mas naka-relate ako dun sa siguradong naramdaman ng mga magulang na Revilla. Sa kanila kasi ang hampas ng lahat.

Magulang din ako. May anak akong babae na dose anyos at God forbid, wag naman sana mangyari ang ganung kaso sa anak ko. Ako na lang! Ok lang sa akin kahit ako na lang ang mabuntis ulit. (bwahahaha).

Hindi nga, seryoso. Bilang magulang, sigurado kong durog ang puso ng mag-asawang Revilla pero humahanga ako kasi nagpakatatag din sila na hinarap ang publiko sa pag-amin na kesyo ganun nga, blah, blah, blah.

Ngayon ko lang din naiintindihan kung ano ang naramdaman ng magulang ko nung nalaman din nila na jontis ako out of wedlock. Pero iba rin naman ang kaso ko noon kasi nasa tamang edad na ako. May trabaho din ako at pinanindigan ko kahit mag isa ang sitwasyon ko. Hindi ako tinakbuhan ng nakabuntis sa akin kasi hindi rin naman ako naghabol. Pero hindi tungkol sa pagiging unwed mom ko ang topic dito.

Iba na talaga ang panahon ngayon. Gaya ng sabi ko…hindi ko pwedeng husgahan kung anong klaseng pagpapalaki ng anak ang mga Revilla kasi ang totoo…walang masasabing ultimate guide para sa TAMANG pagpapalaki ng anak. Kahit nga sa bookstore, wala akong makitang libro na “How To Raise A Perfect Child”, yung mga chuvang ganun. Hindi sapat ang kayamanan o pera para makasiguro na magiging matino ang paglaki ng anak. Hindi assurance na pag sa abroad nag-aral anak mo o kaya nagtapos sa magagandang school ay matitino na sila. Minsan nga kahit sa sobrang pagmamahal at pag aaruga ng magulang sa anak ay napapariwara pa rin ang anak.

Mahirap i-explain ang sakit at frustration na pwedeng maramdaman ng isang parent pag nagkakaroon ng maling desisyon or choices ang isang anak.

Ako mismo, hindi ko masasabing tama ang pagpapalaki ko sa mga anak ko. Masyadong maaga pa para magyabang o magpasikat para sabihin na isa akong mabuting ina o magulang. Maki-claim ko lang siguro ang ganung title o karangalan pag nagkaroon na ng maayos at matitinong buhay sina Kevin at Keziah… pag may sariling pamilya na sila at pag nakita ko na ang mga apo ko.

Tsaka ko pa lang masasabi na tama ang pagpapalaki ko sa kanila – pag naging maayos ang mga choices o desisyon nila sa buhay. Afterall, life is a matter of choices. Life is what you maketh, ‘ika nga.