Sayang Ang Datung

Napansin nyo ba na pagdating sa mga love songs…mas maraming kanta ang nako-compose tungkol sa mga warak-warak na pag-ibig o kaya tungkol sa mga durog-durog na puso?

Kadalasan ang meaning ng kanta ay tungkol sa kung paano ka naging proud sa pagiging tanga o martir mo sa iyong minamahal, kung paano ka naglaway na lang dun sa labidabs mong pagma-may ari na pala ng iba ang puso, etsetera, etsetera!

Eh kasi ganito yun (o ha! dunong-dunungan ang lola). Ang totoo nyan ay mas madali kasi mag-compose ng kanta, tula, o story  pag heartbroken ka o kaya depres-depresan ang mood mo. Pag mas todo-emote o senti ka, mas maganda!

Parang blogging din yan. Ewan ko ba, mas madali akong makapag-blog pag medyo depress ako. Or maybe it’s just me. :(

Gaya ngayon, eto… kaya wala akong maisip na mai-blog agad dahil sa HAPPY ako at hindi DEPRESS. Hehe!  Ano ang konek?

Ibig kong sabihin, if for example you’re a song writer slash composer slash artist, when you’re happy, usually the last thing you want to do is sit down and grab a guitar. If you’re in happy mood, normally you want to go out and celebrate! But  when you’re heartbroken, parang it makes sense to turn off the lights, mag-emote and go to the piano.  Matindi ang arrive ng composition kasi nanggagaling talaga sa kasulok-sulukan ng puso eh. Definitely, heartbreak tends to be the more inspiring emotional state.

Eh parang ganun din sa blogging. Mas buhos ang loob mong magsulat pag mejo may kirot kang nararamdaman sa puso mo. Kaya pansinin mo minsan, pag ang blogger ay nai-inlab…andun yung napapabayaan na ang site nila at tuluyang inaabandona ang pagbo-blog. Pero dehins ko nilalahat ha?

Inaamin ko, masaya ako ngayon lalo na sa lablayp ko. Wala akong mai-reklamo kay Kups sa labs nya sa akin at sa pamilya ko. Such an extraordinary man indeed!

Pero – kahit madalas ay nasa alapaap ako ngayon, kahit  medyo naba-blangko ang utak ko na parang akong bangag at high na high sa pagiging lab adik…hinding-hindi ko pwede pabayaan ‘tong blog ko! Alam mo ba kung bakit?

Kasi sayang ang datung eh! Wahaha!

 

Quote of the Day:

“For those passionately in love, the whole world seems to smile.” – David Myers

* * * * *

 

Pagbabago

Pag nagkakaroon ako ng problema…iniiwasan ko yung tipong dinidibdib ko. Kasi sa totoo lang, hindi ako sanay mag worry.

Tuloy, may mga pagkakataon na lumalabas na parang wala akong pakialam sa mga nangyayari  kasi pinipilit ko na maging cool at petiks lang ang attitude ko sa pagharap ng problema.  Hindi sa insensitive ako, alam ko kasi na ako ang olats pag nag wori pa ako.

Hindi sa tinatakbuhan ko ang problema. Oo, may kahinaan din ako pero ayaw ko lang ipakita sa tao ang sobrang pag-aalala ko. Mahirap magkunwari that everything is just okay, that I am perfectly fine.

Kadalasan, idinadaan ko sa pagtulog ang mga worries ko sa buhay. Siempre kasama dun ang  dasal na sana pag gising ko ay mag-iba na ang araw ko, na sana maging OK na ang lahat. Naniniwala kasi akong na hindi pare-pareho ang panahon. Pag hindi kagandahan ang araw ko, laging sambit ko sa sarili ko…“this too shall pass”.

Naging epektib yun sa akin noon at madalas pa nga ay may kasama pang solusyon sa pag gising ko.

Pero iba ang mga pangyayari sa akin ngayon at sa mga nakalipas na araw. Long-playing ang mga pag-aalala ko. Parang walang katapusan at walang kalutasan. Nawiwindang na ako.

Naging hataw nga  ang pagiging happy ko sa mga nakaraan na linggo pero naging malungkot din naman ng todo-todo ang mga sumunod. Nagiging mailap na sa akin ngayon ang mahimbing na tulog.

Pinilit ko na pakalmahin ang nararamdaman ko. Pinilit ko sumigla ang katawan ko kasi parang nanghihina na rin ako.Pinilit ko maging normal ang araw ko. Pinilit ko aliwin ang sarili sa paraan na alam ko. May ginawa akong pampagaan ng loob ko. Kaso, pukingina! Mas lalo lang lumalala ang sitwasyon!

Hindi ko alam kung sinusubukan lang ako ng mga pagkakataon o baka inaasar lang ako ng kapalaran. Walang nangyayari sa araw-araw na pag-aabang ko ng himala mula pagdilat ng mata ko sa umaga hanggang sa pagpikit sa gabi. Walang pagbabago.

Malamang hindi na epektib o ayaw na gumana ng himala sa buhay ko.

Sa ngayon, tuwing gumigising ako sa umaga, ang gusto ko gumabi na agad. Pagsapit naman ng gabi, gusto ko matulog na agad para ng sa ganun ay umaga na naman ulit. Ngayon ko lang minadali ang mga araw ko. Siguro dahil sa gusto ko makakita na agad ng pagbabago.

Hindi ako eksayted sa nalalapit na pag alis ng year 2009 o pagpasok ng 2010. Wala akong pakialam sa New Year na yan! Wala akong dapat na ipagdiwang sa bagong taon. Ang gusto ko lang ay makakita ng pagbabago sa araw ko.

Oo, emo at senti ako ngayon. Sa mga hindi sanay sa akin ng ganito, pasensya na. Tao lang.